Narinig ko ang malakas na hiyawan ng mga tao sa aking
paligid. Kasama nito, naramdaman ko ang mga ngipin ng aking kalaban sa
lalamunan ko.
Ilang milya man ang layo at daan daang taon naman ang
lumipas nang huling namagtaan ang brutal na
patayan sa Koloseyo ng Roma ay nananatili pa rin ang nakakatakot na
pangyayaring ito.
Ang problema ay, nagaganap pa rin ang karumal-dumal na
barbaryanismong ito. Dito mismo sa South Cotabato ay sinusubaybayan ang
ganitong kultura ng mga Bla’an tuwing kapistahan ng T’nalak.
Walang pinipili. Puti, itim o kayumanggi mang tulad ko ay
hindi pinapalampas. Pagdating sa tamang gulang, hindi ka makaka-ayaw. Wala ka
ng magagawa kundi lumaban.
Oo. Hayop kami. Hayop kami kung lumaban para sa mga buhay
namin. Lahat kami, gustong mabuhay. Simple lang naman ang hangarin namin sa
buhay. Hindi kami naghahangad ng sobra. Ang gusto lang namin ay mabuhay at
mamatay kung kalian gustohin ng Panginoon.
Sa napakaraming alternatibo, bakit itong barbaryanismo? Pwede
rin namang magkaroon ng pabilisan sa pagtakbo, na kung saan ang pinakamabilis
ang siyang panalo. O pwede rin namang magkaroon ng pagpapakitang-gilas na ang
pokus ay kagandahan?
Pak! Nagulat ako sa latigong tumama sa aking likuran. Hudyat
ito na kailangan ko nang mamili: lumaban o mamatay. Tinitigan ko ang kalaban ko
na tila humihingi ng paumanhin sa susunod kong gagawin. Sa isang iglap, tumakbo
ako ng mabilis patungo sa kanya.
Isang segundo kampante na akong manalo, sa sunod, nakita ko
ang buhay kong hindi ko na muling makakamtan pa. Sa aking mga huling sandali,
pinagmasdan ko ang katuwaan sa mga mukha ng mga tao habang ako ay unti-unting
pinapatay ng kapwa kong kabayo.
Oo. Bawat isa’y kailangang rumespeto sa kultura. Ngunit
bawat isa rin ay kailangan alamin kung ang nakagawian bang kultura ay hindi
nakakasama.
Sa pagrespeto ng kultura ng mga Bla’an at maikling aliw na
dulot ng barbaryanismo, narespeto ba ang buhay ko at buhay ng ibang kabayong
namatay sa Seket Kuda?
~
Published: Tanod Marista 2012 //unedited version
Written by: Teni Nyca A. & Kristelle Mari Diesto
No comments:
Post a Comment