Buong buhay kong nilakbay ang anino ng bayolenteng lupain.
Kasabay ng aking kapanganakan ang pagsimula ng giyera.
‘Malas’ ang naging bansag sa akin.
Ang mga magulang ko ay parehong MILF. Bata pa lamang ay
sinanay na ako sa paghawak ng baril. Naikintal na sa aking isipan na balang
araw ay sasabak ako sa giyera.
Sampung taon ako nang ihiwalay ako sa aking mga magulang
upang maghanda sa labanan. Sa aking paglisan, nakita ko ang luhang dumaloy sa
pisngi ng aking ina. Iyon ang kauna-unahang pagkakataong naramdaman ko ang
kanyang pagmamahal. Hawak-hawak ng mahigpit ang aking puso, tinalikuran ko ang
nakaraang marahil hindi ko na muling mababalikan.
Nagkaroon ako ng pamilya pagkatapos ng pitong taong pagsabak
sa giyera. Pareho kong MILF si Wahida. Wala pang isang taon pagkatapos
isinilang ang aming anak nang lumisan ang aking mag-ina patungong Cotabato.
Lumalala na ang sagupaan ng mga panahong iyon.
Limang buwan at walong araw bago tumungtong si Mohagher sa
Malacanang, sinalo ko ang balang laan para sa aking kasama.
Limang buwan nalang sana at makikita ko na muli ang aking
mag-ina. Limang buwan nalang sana ay mabibisita ko na sa wakas ang libingan ng
aking mga magulang. Limang buwan nalang sana at makakamtan ko na – naming mga
MILF ang mithiing buong buhay naming ipinaglaban. Kamalasan nga naman - simula
kapanganakan hanggang kamatayan ay sinusundan ka.
Ang lupaing kinilala kong bayolente at marahas ay mag-iiba.
Makikilala ito ng aking anak bilang isang lupain kung saan bawat Islam at
Kristiyano ay payapang mamumuhay. Ang lupaing ito ay
babansagang: BANGSAMORO.
Sa aking huling mga minuto, tiningnan kong muli ang mga nakapaligid sa akin - bangkay ng mga kasama at aking mga kalaban. Ipinikit ko ang aking mga mata. At sa aking pagpasok sa walang hanggang pagtulog naisip ko ang kamatayan ko at mga katulad ko... Ito ay hindi mauuwi sa wala.
-
Unrevised version of the article published :)
Published: Tanod Marista 2012
No comments:
Post a Comment